Press Statement
As read by Iglesia Ni Cristo General Evangelist minister Bienvenido C. Santiago
August 26, 2015
Gusto po naming magbigay ng ilang pahayag tungkol doon sa ginawang pagsasampa ni Isaias Samson Jr., ng reklamong illegal detention laban sa mga ministro ng Iglesia Ni Cristo na bumubuo sa Sanggunian nito. Ito ay kaugnay ng bumangong suliraning panloob sa Iglesia Ni Cristo dahil sa ilang tao na noon ay kaanib at ang iba’y ministro pa sa Iglesia – kasama roon si Samson – na nagtangkang maghasik ng pagkakabaha-bahagi at gumawa ng mga paninira laban sa Administrasyon ng Iglesia. Natural lamang na kailangang ipatupad ng Iglesia ang mga disiplina, na ayon sa mga aral at mga tuntunin na itinataguyod ng organisasyong ito mula pa noong una, na pawang nakasalig sa Banal na Kasulatan o Biblia. Karapatan naman ng organisasyong ito, at marahil ng alinmang organisasyon, na dumipensa laban sa sinuman na gustong puminsala rito. Kaya may mga pagsisiyasat na kinailangang gawin, may mga pagsususpinde sa pagtupad ng tungkulin ng iba, at mayroon din na mga kailangang itiwalag. At iyan naman ay naiintindihan at itinataguyod noon ng mga taong yan na inalis nga sa Iglesia. Sapagkat iyon ang paraan para mapanatili ang pagkakaisa sa Iglesia Ni Cristo – dalhin sa labas ng Iglesia ang mga nanggugulo at nagtatangkang maghasik ng pagkakabaha-bahagi.
Ang pagsusulong ng reklamong inihain ni Samson ay napag-alaman naming nagawa sa ilalim ng pamamatnubay ni Secretary Leila de Lima, sapagkat labis at di-pangkaraniwan yung atensyon na iniukol niya. Ano kaya ang motibo niya? Siya pa mismo ang personal na nag-asikaso sa nasabing reklamo.
Pag-aasikaso at atensyon na hindi nakita ng Sambayanang Pilipino sa Kalihim ng Katarungan sa usapin ng pagkakapaspang sa apatnapu’t apat na sundalo ng Special Action Forces (SAF) ng Philippine National Police doon sa Mamasapano ilang buwan na ang nakakaraan. Bagaman ang dalawa sa mga napaslang doon ay mga kapatid namin sa Iglesia subamit matahimik kaming naghintay sa mga gagawin ng Department of Justice para tugisin at usigin ang mga may kagagawan sa madugong pangyayaring yaon. Gayundin sa kung sino sa panig ng Pamahalaan ang dapat pananagutin sa pangyayaring iyon. Hanggang ngayon, gaya ng alam ng marami ay wala pang napananagot.
Nakarating po sa aming kaalaman na may ilan pa pong inaalagaan ang DOJ na mga inalis na sa Iglesia at mga kabilang sa nais na manggulo sa Iglesia.
Ang tanong bakit hindi binigyan ng atensyon ng DOJ ang kaso ng apatnapu’t apat na sundalong napatay sa Mamasapano na kasing-tindi ng ibinigay nila sa mga taong naghain ng reklamo sa kanilang Tanggapan kahapon? Kumpara sa apatnapu’t apat na sundalo na napatay sa Mamasapano – dito sa inirereklamo ni Samson ay wala ni isang lamok na napatay. Halata namang kasinungalingan ang sinasabi ng mga nagrereklamo.
Gusto naming paratingin kay Secretary Leila de Lima at sa mga nag-uutos sa kanya na hinihiling namin ngayon, hinihiling ng Iglesia Ni Cristo — sa ngalan ng mga naulila ng dalawang sundalong nasawi sa Mamasapano na mga kapatid namin sa Iglesia – na pag-ukulan din niya ng kasing sigasig na pag-aasikaso ang kaso ng Fallen 44. Sa madaling sabi, ay dapat maging parehas at walang bias ang Kagawaran ng Katarungan. The least we expect from the Department of Justice – is Justice.