(Eagle News) — Patuloy na binabantayan ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration ang low pressure area (LPA) na nakapaloob sa Inter Tropical Convergence Zone (ITCZ) at nasa labas pa ng bansa.
Ayon sa PAGASA, ang sama ng panahon ay huling namataan sa layong 2,060 kilometro silangan ng Visayas at papasok sa loob ng Philippine area of responsibility (PAR) bukas o sa araw ng linggo.
Posible itong maging isang ganap na bagyo sa loob ng 24 hanggang 36 oras at papangalanang ‘Paeng’.
Ayon sa PAGASA, sakaling maging bagyo na ay posible itong tumama sa dulong hilagang luzon o sa Batanes area.
Ngayong araw makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat ang Mimaropa, western at central Visayas at Zamboanga peninsula.
Sa nalalabing bahagi naman ng bansa kabilang na ang Metro Manila ay maalinsangan ang panahon liban na lamang sa mga panandaliang pag-ulan dulot ng localized thunderstorms.