By Eden Suarez
(Eagle News) — Naisumite na ng Aquino administration sa pamamagitan ng Department of Budget and Management ang panukalang ₱3.002 trillion national budget para sa taong 2016.
Pinangunahan nina House Speaker Feliciano Belmonte at Budget Secretary Butch Abad ang turnover ceremony ng ₱3.002 trillion proposed national budget.
Ayon kay Abad, sesentro ang sectoral allocation ng nasabing pondo sa social services, economic services, defense, general public services, debt burden at interest payment.
Nangunguna naman sa mga ahensya ng gobyerno na may pinakamalaking pondo ang Department of Education (DepEd) na may alokasyon na ₱435.9 billion; Department of Public Works and Highways (DPWH) ₱394 billion; Department of National Defense (DND) ₱172 billion; Department of Interior and Local Government (DILG) ₱154.5 billion; Department of Health (DOH) ₱128.4 billion; Department of Social Welfare and Development (DSWD) ₱104.2 billion; Department of Agriculture ₱93.4 billion; Department of Finance ₱55.3 billion; Department of Transportation and Communication (DOTC) ₱49.3 billion; Department of Environment and Natural Resources (DENR) ₱25.8 billion; Department of Science and Technology (DOST) ₱18.6 billion.
Ikinatuwa naman ng liderato ng Kamara ang maagang pagsusumite ng panukalang budget ng Aquino administration.
Pero tiniyak ni Belmonte na daraan ang mahigit ₱3 trilyong budget sa masusing pagbusisi ng House Committee on Appropriatons na pinamumunuan ni Congressman Isidro Ungab.
Ito na ang pinakamalaking panukalang pambansang budget ng gobyerno sa ilalim ng Aquino administration.
Tiniyak naman ni Abad na porkless ang nasabing panukalang budget.
Sinabi pa niyang magagalit ang taongbayan kung gagamitin ang pondo sa hindi nito kaukulan.
Gayunman, aminado ang kalihim na nananatili pa rin ang lumpsum sa budget para sa susunod na taon tulad ng calamity fund na aabot ng ₱38.9 billion, contingency fund na nagkakahalaga ng ₱4 billion, allocation for local government units at iba pang lumpsum.
Pero agad nitong nilinaw na hindi maituturing na pork barrel ang mga nasabing lumpsum funds.
Sa Agosto na inaasahang masisimulan ng Kamara ang pagbusisi sa 2016 proposed national budget ng Aquino administration.