(Eagle News) — Nananatiling suspendido ang klase sa sampung mga bayan at dalawang siyudad sa Pangasinan dahil sa nararanasang malawakang pagbaha sa probinsya.
Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC) Pangasinan, nanatiling suspendido ang klase sa mga bayan ng Mangatarem, Malasiqui, Aguilar, Basista, Binmaley, Bugallon, Calasiao, Lingayen, Sual, Urbiztondo at mga siyudad ng Dagupan at San Carlos dahil baha pa rin ang mga eskwelahan, mga daanan at mga kabahayan ng mga residente.
Muling nagconvene ngayong araw ang Provincial Disaster Risk Reduction Management Office para sa assessment ng damages sa agrikultura at imprastraktura.
Ayon sa PDRRMO, bahagyang humupa na ang tubig baha sa mga bayan na inabot ng pagbaha at passable na rin ang mga pangunahing daanan maliban sa tulay sa bayan ng Aguilar na marupok at ang Garrita Bridge sa pagitan ng Bani at Alaminos City na nagcollapse ang paanan ng tulay.
Ayon kay Governor Espino, prayoridad ngayon ng probinsya na matulungan ang mga residenteng nasa evacuation center at mga inabot ng pagbaha at isasaayos ang mga nasirang tulay.
Tinatapos na rin ang terminal report sa damages sa sakahan matapos masira ang mga pananim ng mga magsasaka para sa ipagkakaloob na ayuda at sa fisheries matapos na umapaw ang mga palaisdaan dahil sa tubig baha.
Sa initial report ngayon ng PDRRMO kay Governor Espino, umabot na sa P700 million ang damages sa agrikultura, habang higit P700 million sa imprastraktura ang naging pinsala at P500 million naman sa fisheries.
Batay sa assessment ng PDRRMO, ang pagbaha sa mga area sa second hanggang forth district ay dahil sa nasirang dike sa Sinucalan river kaya umapaw ang pagbaha sa Dagupan, Calasiao, Sta. Barbara, San Fabian, Mangaldan, San Jacinto at Manaoag.
Habang ang naranasang pagbaha sa Bugallon, Mangatarem, Aguilar, Lingayen, Labrador at sa Bani, Alaminos, Mabini, Agno, Burgos ay dahil sa flashflood mula sa tubig sa kabundukan ng mga nabanggit na lugar. (Photos and details by Nora Dominguez)