Davao del Sur (Eagle News) — Sinunog ng pinaghihinalaang New Peoples’ Army (NPA) noong Martes ang isang 10-wheeler wing van truck sa Barangay Cabligan, Matanao Davao del Sur.
Ayon sa imbestigasyon, lima hanggang anim na tao na nakasakay sa tatlong motorsiklo ang biglang pumara malapit sa 10-wheeler truck bandang alas onse y medya sa Brgy. Cabligan.
Tinutukan ng baril ng mga diumanong miyembro ng Lawless Action Group (LAG) ang driver ng nasabing sasakyan, na may plate number na AAT 4226, at pagmamay-ari ni Henry Sorongon.
May lamang mga sako ng bigas ang sasakyan.
Matapos ang pangyayari ay agad namang tumakas ang mga suspek.
Ayon sa Matanao Municipal Police Station, extortion ang pakay ng mga salarin.
Sa ngayon ay patuloy pa rin pinaghahanap sa mga suspek.