By Ailly Millo
Eagle News Service
QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) — Isandaang sumukong drug users at pushers sa Quezon City ang nagsipagtapos kahapon, Abril 18.
Sila ang unang batch na nagsipagtapos sa ilalim ng Community Based Rehab Program ng pamahalaan ng lungsod ng Quezon.
Ayon kay Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte, sumalang ang mga nagsipagtapos na drug users at pushers sa labindalawang sessions ng clinical counseling.
Isinailalim din aniya ang mga ito sa drug testing at lahat sila ay drug clear na.
Pero hindi lamang ito natatapos sa pagbibigay ng certificate sa mga nagsipagtapos na mga sumukong drug user at pushers sa Quezon City. Dahil tutulungan din sila ng pamahalaang lungsod ng Quezon na makahanap ng mapapasakukang trabaho.
Karamihan kasi sa mga sumuko ay walang trabaho kung kaya napilitang gumamit o magbenta ng iligal na droga.
Sabi ni Vice Mayor Belmonte, sa katunayan ay mayroon nang nakahandang trabaho para sa isandaang drug surrenderees na nagsipagtapos.
Makikipagtulungan aniya ang pamahalaang lungsod ng Quezon sa iba’t-ibang pribadong kumpanya.
Ngayong buwan ay nakatakdang lumagda ang pamahalaang lungsod ng Quezon sa isang kasunduuan sa pagitan ng isang pribadong kumpanya na magkakaloob ng trabaho sa mga drug surrenderee partikular sa MRT 7 project.
Labis naman ang pasasalamat ng mga dating drug user at drug pusher na nabigyan ng pagkakataon para makapagsimula ng panibagong buhay.
Batay sa Drug Profiling System ng Quezon City sa mga barangay nasa sampung libo ang bilang ng drug users at pushers sa nasabing lungsod.
Paliwanag ni Vice Mayor Belmonte, ang mga lulong na lulong sa droga ay dinala na sa mga rehabilitation center.
Habang ang mga hindi naman aniya masyadong lulong ay pinapagaling na sa komunidad pa lamang sa ilalim ng Community Based Rehab Program.
Pinagkakalooban din ang mga ito ng ibat ibang skills training at mapagkakakitaan na maaaring magamit oras na sila ay marekober na sa epekto ng iligal na droga.