1,000 Filipino Nurse kailangan sa Saudi Arabia; 150 Medtech naman sa Abu Dhabi – POEA

(Eagle News) – Nangangailangan ang bansang Saudi Arabia ng 1,000 Filipino Nurses habang 150 Medical Technicians naman ang kailangan sa Abu Dhabi.

Ayon sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA), ang hiring ng mga manggagawa ay sa ilalim ng government-to-government scheme na nagtitiyak na mapo-protektahan ang karapatan ng mga Manggagawang Pilipino.

Ang mga kwalipikadong aplikante sa mga nasabing pwesto ay hindi na kinakilangan pang magbayad ng placement fee.

Ayon pa kay POEA Deputy Administrator Ventura Plan, ang alok ng Kingdom of Saudi Arabia para sa 1,000 Female Nurses ay ang paid annual vacation na may libreng round trip economy ticket maging ang libreng food and accommodation.

Ang buwanang sahod ng mga nurse ay nasa Php-58 thousand. Tataas pa anila ito kada taon.

Ang kumpletong listahan ng mga requirement ay maaaring makita sa www.poea.gov.ph.

Sa November 9 naman ang deadline para sa pagsusumite ng aplikasyon para sa Regional Offices habang November 19 para sa main POEA Office.