Pinasinayaan at binuksan na sa publiko ang pang-isang libong store ng Jollibee Corporation sa bansa na nasa Bonifacio Global City triangle drive sa Taguig City.
Magugunitang nagsimula ang pinakamalaking fastfood chain sa bansa sa isang ice cream parlor sa Cubao, Quezon City noong late 1970’s.
Ito ay lumaki nang lumaki hanggang dumami ang mga branches at naging isa na ngayon sa mga kilalang Filipino brands at sinasabing Asia’s number one QSR brand sa kasalukuyan.
Isinasagawa ang unveiling ng 1,000th store commemorative marker sa pangunguna nina Jolibee Foods Corporation chairman Tony Tan Caktiong at iba pang opisyal ng nasabing food chain.
Pagkatapos ay isinagawa naman ang ribbon-cutting ceremony para sa pagbubukas ng nasabing branch sa pangunguna nina Jollibee Philippines President JJ Alano at Taguig City Mayor Lani Cayetano, Department of Trade and Industry Undersecretary Nora Terrado at Ms. Universe 2015 Pia Wurtzbach.
Samantala, inilunsad din ng nasabing food chain ang kanilang farmer entrepreneurship program sa pamamagitan ng Jollibee group foundation, na naglaan ng sampung milyong piso para sa pagsasanay sa isang libong batang mga magsasaka sa larangan ng agro-enterprise management.