DAGUPAN, Pangasinan (Eagle News) — Isinailalim sa surprise drug test ang mahigit 100 police personnel sa Dagupan.
Ayon kay Supt. Jandale Sulit, hepe ng Dagupan City Philippine National Police, isinagawa ang surprise drug test sa 124 na pulis upang tiyakin na walang gumagamit ng iligal na droga sa hanay ng pulisya.
Ayon kay Sulit, isinagawa ito upang ipakita sa publiko ang seryosong kampanya laban sa iligal na droga at makuha ang loob ng publiko upang sugpuin ang iligal na droga.
Pawang negatibo naman ang lumabas na resulta sa isinagawang drug test, na isinagawa ng Crime Laboratory ng Pangasinan Police Provincial Office.
Samantala, nagsagawa rin ang lokal na pamahalaan ng Dagupan ng drug test para sa mga drug surenderee sa lugar.
Ayon kay Sulit, ito ay upang tiyakin na mapanatiling drug-free ang siyudad.
Ayon sa opisyal, kasalukuyang binubuo na nito ngayon ang plano at programa para sa isasagawang accounting sa lahat ng 1,313 drug surrenderees upang malaman ang kalagayan ng mga ito at tiyakin na wala isa man sa mga ito ang bumalik sa dating bisyo.
Nanawagan naman ang liderato ng pulisya ng Dagupan City sa publiko na makipagtulungan upang manatili na drug-free ang lungsod.
(Nora Dominguez)