Ni Jabes Juanite
Eagle News Service
SURIGAO CITY, Surigao del Norte (Eagle News) – Nasa labintatlong pasahero ang nailigtas sa tumaob na motor banca sa Surigao City, kasama na dito ang tatlong bata, kamakailan.
Ayon sa imbestigasyon ng Philippine Coast Guard (PCG), dumaan ang isang pampasaherong ferry kung saan nagdulot ng paghampas ng malalaking alon dahilan upang tumaob ang M/B Aldrin.
Ang mga pasahero ay patungo sanang Taganaan, Surigao del Norte.
Napag-alaman din mula sa tanggapan ng Philippine Coast Guard na walang rehistro ang nasabing bangka.
Pansamantala namang nasa kustodiya ng tanggapan ang kapitan na si Reden Plaza para sa karagdagang imbestigasyon.
Hindi na rin naisalba ang mga kargang pinamiling pagkain para sana sa isang mining company malapit sa lugar dahil lumubog na ang mga ito.
Muling pinaalalahanan ang mga may-ari ng bangkang de motor na bumibiyahe sa lalawigan na kumuha ng kaukulang papeles para maiwasan ang multa nito.
At kung magkakaroon mga emergency ay wala silang matatanggap na kahit anong tulong lalo na sa mga pasahero nito.