(Eagle News) – Labing tatlong miyembro ng New People’s Army mula sa iba’t-ibang probinsya sa Southern Tagalog region partikular sa Batangas at Quezon ang sumuko sa panig ng pamahalaan.
Ang naturang pagkakataon ay isinagawa sa opisina ni Presidential Adviser for Southern Tagalog Sec. Jose Maria Nicomedes Hernandez sa Tanauan City, Batangas na sinaksihan naman nina Department of National Defense (DND) Sec. Delfin Lorenzana at Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año.
Matataas na kalibre ng baril, mga granada at improvised explosive device at mga bala, maging mga subersibong mga dokumento at mga libro ang kusang isinuko ng mga dating rebelde.
Binigyang-diin naman ni Lorenzana na ang insurgency aniya ang isa sa dahilan kung bakit hindi umaangat ang bansa at kung mapababa ang bilang nito ay makatutulong upang umunlad ang bansa.
“Siguro kapag nawala ito, siguro kapag napababa natin sila, kapag nagawa natin silang useful part of the society, tayo ay uunlad din,” ayon kay Lorenzana.
Samantala, pinagkalooban ng pamahalaan ng halagang Php 65,000 ang bawat isang rebel returnee upang magamit sa kanilang pagsisimulang muli para sa kanilang pamilya.
Nagbigay naman ang pamahalaang panlalawigan ng Batangas ng mga PhilHealth ID sa mga ito upang magamit naman sa encashment ng kanilang mga tseke at ayuda para sa kanilang kalusugan.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na mayroong rebeldeng NPA ang sumuko sa bahagi ng katagalugan.(Photos and details by Ghadsz Rodelas)