Eagle News – Naglabas na ng memorandum na nag-uutos sa mga division at regional offices ng Department of Education na magsumite na ng liquidation requirements upang maibigay na ang ikalawang bahagi ng pondo para sa mga tauhan ng naturang ahensya na nasalanta ng Bagyong Yolanda at ng magnitude 7.2 na lindol sa Bohol.
Inisyu ni DepEd Secretary Leonor Briones ang naturang memorandum na naglalayong maibigay na ang financial assistance sa mahigit 45,000 na tauhan ng naturang ahensiya na kukunin mula sa Social Fund ng Pangulo ng Bansa.
Matatandaang inaprubahan sa panahon ng Administrasyong Aquino ang paglalabas ng P1.9 billion na pondo para sa mga DepEd personnel na apektado ng nabanggit na mga kalamidad subalit kalahati pa lamang nito ang naibibigay sa mga benepisyaryo.
Ito ay dahil nakasaad sa agreement na ibibigay lamang ang isa pang kalahati nito kung maisusumite na ang liquidation ng unang bahagi ng pondo.