Odessa Cruz
Eagle News Service
LIGUASAN MARSH, Maguindanao (Eagle News) – Labinlimang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang patay at walong iba pa ang sugatan sa isang airstrike ng militar sa isang confirmed improvised explosive device factory ng grupo sa Liguasan Marsh area ng Maguindanao.
Ayon sa Army’s 6th Infantry Division, isinagawa ang surgical airstrike bandang alas 4:00 ng madaling araw noong Linggo, Hunyo 10, matapos makompirma ng militar ang kinaroroonan ng nasabing bomb-making factory ng BIFF.
Sa sumunod na ground clearing operation na pinangunahan ng 33rd Infantry Batallion ay nakipagbakbakan sa militar ang mga bandido.
Ayon kay 6th ID Commander Brig. General Cirilito Sobejana, nahuli rin sa operasyon ang mag-asawang bomb experts na kinilalang sina Ustadz Anwar Ali, 22, at asawa nitong si Asnaya Ali, 20. Ang mga suspek ay mga followers umano ng Daesh Islamic State of Iraq and Syria (ISIS).
Ayon kay Sobejana, nailunsad ang airstrike dahil narin sa sunud-sunod na foiled bombing attempts ng sinasabing mga ISIS-inspired BIFF terrorists noong mga nakalipas na linggo.
Ang nasabing airstrike ay may close coordination umano sa Moro Islamic Liberation Front na nagmimentina rin ng mga base camps sa Pikit at Pagalungan area ng Liguasan Marsh kaya naiwasan din ang pagkakadamay sa bakbakan ng mga combatants ng MILF at malabag ang mga probisyon sa umiiral na peace process.
Dahil sa takot na dala ng airstrike, nagsilikas ang mahigit 1000 katao mula sa mga bayang nakapalibot sa marshland gaya ng Pikit, Pagalungan, Datu Montawal at General Salipada Pendatun.
Ayon kay Tahira Kalantongan, Municipal Disaster Risk Reduction Management Officer ng Pikit, nakalagak ngayon sa munisipyo ng bayan ang 292 pamilya batay sa inisyal na tala ng MDRRMC. Ang ibang evacuees naman ay nakahouse sa kanilang mga kamag-anak na nasa kalapit pang mga bayan sa Cotabato at Maguindanao ayon kay Kalantongan.
Nakaantabay din ang mga kawani ng Department of Social Welfare and Development at ARMM Humanitarian and Emergency Action Response Team para bigyan ng tulong ang mga evacuees.