Ni Mar Gabriel
Eagle News Service
(Eagle News) — Naka-halfmast na ang watawat sa loob ng Kampo Aguinaldo at sa lahat ng kampo ng militar sa buong bansa bilang pagluluksa sa pagkamatay ng 15 sundalo sa nangyaring bakbakan sa Patikul,Sulu.
Sa inisyal na report, bago nito, dalawang engkwentro ang naganap sa Barangay Kutong, Talipao, Sulu kung saan una nang nalagasan ang mga bandido.
Ngunit pasado alas kwatro ng hapon, muling nakasagupa ng mga sundalo ang mas maraming bilang ng bandido sa Brgy. Maugay, Patikul sulu.
Ayon kay Col. Edgard Arevalo, ang hepe ng Armed Forces of the Philippines Public Affairs Office, nasa 120 bandidong Abu Sayyaf ang nakaharap ng mga sundalo sa Barangay Maugay.
Ang mga sundalong nasawi ay mula 35th Infantry Battalion ng Philippine Army na kinabibilangan ng isang 2nd Lieutenant, isang Staff Sergeant, isang Sergeant, apat na corporal, pitong Private first class, at isang private.
Base sa ulat, dalawa sa mga ito ang pinugutan pa sa ulo.
Kabilang sa mga sundalong nasawi ang mga sumusunod:
- 2nd Lt. Ernan Gusto
- Ssg. Ruel Catubay
- Sgt.Jay Erwin Almohallas
- Cpl.Elid Ismael
- Cpl. Saik Mandangan
- Cpl. Omar Raddulan
- Cpl. Ronald Galloniga
- Pfc. Nestor Bacaling Jr.
- Pfc Jison Falcasantos
- Pfc Gerald Yubal
- Pfc Dhendo Dujo
- Pfc Roselito Arnoco
- Pfc Glend Cosicol Resma
- Pfc Rogelio Vincoy Jr.
- Pvt.Jonas Lumayan
-29 sundalo sugatan, 30 ASG patay sa bakbakan —
Sugatan din sa bakbakan ang 29 pang sundalo na dinala na sa headquarters ng Western Mindanao Command sa Zamboanga City.
Sa nangyaring labanan, umabot naman sa 30 ang nasawi sa hanay nang mga bandido kung saan 10 sa mga ito ang kasama sa body count ng AFP.
Base pa sa intelligence report, dalawa sa mga nasawing bandido ang sub-leader ng Abu Sayyaf Group.
-Mahigit 400 pang ASG, hinahabol ng militar
Mahigit 400 pang miyembro ng Abu Sayyaf ang hinahabol ng militar.
Ayon sa AFP, hindi sila titigil hanggang sa tuluyang mapulbos ang mga bandido.