150 CAFGU nagsipagtapos sa Ormoc City

c2601bcd-2521-4e17-a9ee-5ab4a6a71fab

ORMOC CITY, Leyte (Eagle News) – Matagumpay na natapos ng 150 kalalakihan ang disiplinadong pagsasanay sa pagiging Citizens Armed Forces Geographical Unit (CAFGU).

Isinagawa ang seremonya ng kanilang pagtatapos noong Sabado, November 19, sa Campsite ng Brgy. Tongonan, Ormoc City, Leyte. Ang CAFGU ay isang irregular auxiliary force ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ayon kay Lt. Col. Nedy Espulgar, Battalion Commander ng Alpha Company ng 52nd Infantry Battalion, itinuturing nilang isang malaking tagumpay sa panig ng Philippine Army ang muling pagkakaroon ng mga CAFGU sa iba’t-ibang lalawigan. Ang mga ito aniya ay totoong sinanay at naturuang mabuti ng mga gampanin para sa bayan. Dagdag pa, ang isa sa mga binigyang diin sa 45 na araw ng training ay ang disiplina sa sarili.

Naging panauhing pandangal sa nasabing graduation si Ormoc City Mayor Richard I. Gomez. Sa talumpati ng alkalde, nananawagan aniya siya sa lahat ng mga bagong CAFGU na sana hindi na maulit ang nakaraan na kaya binuwag ito ay dahil maraming umabuso sa kapangyarihan. Hangad aniya ng alkalde na matupad ng mga ito ang inaasahan na magiging mabisang katuwang ng mga kasundaluhan sa pagsasanggalang sa mga mamamayan.

Kimberly Urboda – EBC Correspondent, Ormoc City, Leyte