Eagle News – Nasa 15,000 hanggang 17,000 ang mga indibidwal na nagkakasakit sa bato kada taon.
Ayon kay Rose Marie Rosete-Liquete, National Kidney and Transplant Institute director, batay sa datos ng ospital, one percent sa kidney patients ay mga bata.
Nasa Region 4a, National Capital Region (NCR) at Region 3 ang kalimitang may mataas na bilang ng kidney patients kabilang na ang dumaraan sa dialysis, aniya.
Sinabi naman ni Dr. Sergio Simangan, chairman ng Organ Transplantation and Vascular Surgery Department ng NKTI, ang kidney disease ay karaniwang nakikita sa pasyenteng may diabetes at hypertension.
Karaniwang nakikita din aniya ito sa mga may unhealthy lifestyle at poor diet.
Kaya naman kasabay ng pagdiriwang ng ‘Kidney Month’ ay muling nagpaalala sa publiko ang ospital na panatilihing healthy ang lifestyle upang makaiwas sa anomang uri ng sakit.
Kamakailan ay nagbigay din ang NKTI ng libreng check-up sa kidney, prostate at iba pang uri ng pagsusuring medikal.
Ayon kay Simangan, posible din na namamana ang sakit sa bato.
Ayon kay Liquete, nasa 500 kidney transplant patients lamang ang nabibigyan ng pagkakataong magamot.
Aniya bukod sa kulang sa mga kidney donor ay hindi rin kaya ng mga ito ang gastos.
Nanawagan si Liquete sa pamilya ng mga pasyenteng may brain trauma na kung maaari ay i-donate na lamang ng mga pasyente ang kanilang kidney sa mga nangangailangan nito.
Ipinaliwanag niya na ang mga brain trauma patient ay good donors dahil ang kanilang atay, puso at bato ay nananatiling nasa maayos na kondisyon.
Cess Alvarez – Eagle News Service