ISABELA CITY, Basilan (Eagle News) — Nagkaroon ng inauguration ng dalawang pumping station sa Isabela City, lalawigan ng Basilan, kamakailan.
Ang pagbubukas ng pumping stations sa Barangay Lukbuton at Barangay Sta. Barbara sa isla ng Malamawi ay ginawa bilang paggunita sa 30th founding anniversary ng Isabela City Water District.
Ang mga pumping station na ito ay gagamitan ng submersible pump upang maibomba ang tubig sa isa sa mga deepwell sa isla.
Dadalhin naman ang tubig sa pamamagitan ng transmission pipeline sa collection box.
Ang tubig sa dalawang pumping station ay dadaan sa treatment gamit ang chlorine dosing pump.
Ayon kay Aleli C. Almodovar, general manager ng Isabela Water District, maaari nang magamit ng pitong barangay sa isla ng Malamawi ang mga bagong pumping stations.
Upang marating ang isla ay kailangan pang sumakay ng bangka ng halos 15 minuto, kaya nahihirapan ang may 30,000 na mga residente dito sa supply ng tubig.
Kailangan pa nilang tumawid ng dagat upang makapunta ng sitio at doon makuha ang tubig na kanilang kailangan.
Kasama sa inauguration sina Provincial Governor Jim Hataman Salliman, Isabela City Mayor Al-qaid J. Akbar, at acting manager ng Local Water Utilities Administration na si Rommel Falcon.