MUNTINLUPA CITY, Metro Manila (Eagle News) – Pasado 2:30 ng madaling araw nitong Lunes, April 24 nang biglang gumuho ang dalawang bahay sa boundary ng Brgy. Cupang at Brgy. Buli, Muntinlupa. Ayon sa may-ari ng bahay na si Mrs. Juanita Rivera Alipit, nagpapahinga sila nang biglang gumuho ang kanilang tahanan.
Na-trap sila sa loob ng bahay at ang nagsilbing daan nila ay ang nabiyak na pader ng katabing bahay ng kaniyang kapatid. Nakaligtas naman silang lahat subalit wala silang nadalang anumang gamit. Noong nakaraang linggo ay nagreklamo na sila sa ginawang water work repairs ng Maynilad dahil lumubog ang kanilang gate at nag-crack na ang paligid ng kanilang bahay.
Isinara naman sa kasalukuyan ang kalsada kung saan nangyari ang pinsala at hinarang ito ng isang mini-fire truck. Ito ay dahil sa nagtitinda ng LPG ang may-ari ng gumuhong bahay at dahan dahan ang kanilang pag-alis rito upang maiwasan ang aksidente o posibleng pagsabog.Nadamay rin ang isang tricycle na nakaparada sa gumuhong bahay. Isa pang bahay ang inaantabayaan na posibleng gumuho.