2 barangay hall na nakatayo sa bangketa malapit sa Malacanang, giniba ng MMDA

 

 

Giniba ng MMDA ang dalawang barangay hall malapit sa Malacanang nitong Huwebes, ika-23 ng Nobyembre./Eagle News Service/

Ni Jerold Tagbo
Eagle News Service

Giniba ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority ang dalawang barangay hall na malapit lamang sa Malacanang sa Maynila.

Ito’y makaraang mapaso ang ibinigay na 15 araw na palugit ng  MMDA sa dalawang kapitan ng barangay upang magkusa nang gibain ang mga barangay hall na nakatayo sa bangketa.

Binigay ng MMDA ang palugit sa mga opisyal nang una itong magsagawa ng clearing operations sa lugar.

“Ganda-ganda ng usapan, nagkamayan kami na on their own ide-demolish na yan. So 15 days nakalipas na kaya napansin niyo hindi ko na kinausap dahil tapos na ang usapan, nag-usap kami noon. Bumalik kami rito at wala pa ring nangyari so ipinatuloy ko na ang demolisyon,” pahayag ni MMDA Chair Danny Lim.

 

Katuwiran ni Barangay 641 Zone 66 Chairman Edmund Gumogda, nakatayo sa dead-end ang kanilang barangay hall dahil sa katabi na nito ang gate ng Presidential Security Group.

“Pansamantala muna siguro sa bahay namin (ang opisina). Siguro open naman kaya nakiusap ako sa mga constituent ko na doon muna sila lumapit,” aniya.

Dahil kasama rin sa mga kailangang alisin ang kanilang closed-circuit television camera na nakalagay sa barangay hall, namomroblema aniya sila kung papaano mapapanatili ang seguridad lalo’t mga estudyante na malapit sa University Belt ang dumaraan sa lugar.

Nangako na ng tulong ang lokal na pamahalaan ng Maynila gaya ng pagbabayad ng renta o kaya’y pagbibigay ng bakanteng lupa para doon na itayo ang permanente nilang barangay hall.

Kalinisan

Pinalagda naman ng MMDA ang mga opisyal ng mga nasabing barangay para sa turnover ng responsibilidad sa pagpapanatili ng kalinisan sa kanilang lugar.

Banta ng MMDA, irerekomenda nila sa Department of the Interior and Local Government ang pagsasampa ng kaso sa mga barangay official kapag muling itinayo ang mga ginibang barangay hall.

“Kapag may nangyari at may nakarating na report sa amin at bumalik na naman ang problema, then babalik ulit kami,” sabi ni Lim.

“We did this for convenience, napagbigyan na sila dati,” aniya.