Ni Earlo Bringas
Eagle News Service
QUEZON CITY, Philippines – Dalawang pinaghihinalaang tulak ng droga ang patay matapos nagtangka sila umanong tumakas mula sa mga otoridad sa isang buy-bust operation.
Sa isang kuha ng cellphone video ng mga operatiba ng Special Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Quezon City ay makikitang nagkaroon ng putukan at habulan habang tinutugis ang dalawang drug suspek diumano na sina Robert Salas alyas Bulak at Randy Selevino alyas Buboy sa Brgy. Holy Spirit, Quezon City, madaling araw nitong Martes, ika- 5 ng Hunyo.
Bago nangyari ang insidente, naaktuhan umano ang dalawang suspek na nagtatarya o nagre-re-pack pa ng sachet ng mga shabu.
“Nasa listahan naman natin ang lahat ng iyan, identified na yan since 2016 kasi nagkaroon tayo ng magandang tie-up sa mga local government especially sa mga (Barangay Anti-Drug Abuse Council),” pahayag ni Chief Supt. Joselito Esquivel, direktor ng Quezon City Police District.
Ayon pa sa opisyal, may kasama pa ang dalawang suspek na may kinalaman diumano sa isang robbery incident.
Narekober sa mga suspek ang dalawang calibre 38 na baril, 10 sachet ng mga shabu na nagkakahalaga ng sampung libong piso at mga drug paraphernalia.
“Kaya nga dito sa Quezon City ay patuloy ang ating war on drugs, hindi tayo lumalamig kasi ang mandato sa amin, ang utos sa amin no less than ng ating Presidente is to account hanggang sa last pusher sa mga barangay. Paninindigan namin yan, yan ang utos sa amin, yan ang mandato namin. Collective effort naman ito na kung pwede kinakatok namin ang puso nila na sana magsurrender na lang”, dagdag pa ni Esquivel.