ZAMBOANGA CITY (Eagle News) – Hindi na nakawala pa sa kamay ng awtoridad ang dalawang pinaniwalaang miyembro ng Abu Sayyaf.
Naaresto sina Saling Kisar y Sabbadin at Benhar Omar y Yusof na kapwa taga-Sulu sa inilunsad na joint police and military operation sa may Logoy Diutay, Brgy. Talon-talon, kamakailan.
Mismong ang mga residente sa nasabing lugar ang nagbigay ng impormasyon sa awtoridad kaugnay sa pagpasok ng mga armadong lalaki sa kanilang komunidad.
Nakuha sa dalawa ang isang kalibre .45, mga bala, at ilang mga identification cards na nagpapatunay sa pagkakakilanlan ng dalawa.
Nakatakas ang tatlong kasamahan nito subalit naiwan ang cellphone na may mga larawan ng dalawa nilang kasama na mayroong hawak na mga matataas na kalibre ng armas.
Ayon naman kay Supt. Nonito Asdai, hepe ng Tettuan Police Station, kailangan nilang isailalim sa verification process ang naarestong lalaki kung may mga kaso pa itong kinasasangkutan sa mga nakalipas na panahon bago sila napadpad sa Zamboanga City.
Nanindigan naman ang pamilya Kisar at Yusof na hindi kailanman nasangkot sa anomang krimen ang dalawa at hindi ito kasapi ng grupong Abu Sayyaf.
Dennis Sazon – EBC Correspondent, Zamboanga City