OZAMIZ CITY, Misamis Occidental (Eagle News) – Dalawang konsehal muna ng Ozamiz City ang pansamantalang manunungkulan bilang Mayor at Vice Mayor doon.
Ito ay kasunod ng pagkamatay ni Mayor Reynaldo Parojinog, Sr. at pagkaaresto naman ni Vice Mayor Nova Parojinog-Echavez.
Pansamantalang uupo bilang mayor si Second City Councilor Girlet Luansing samantalang uupo naman bilang Vice Mayor si Third Councilor Michael Tagal.
Si First City Councilor Ricardo Parojinog na siya sanang dapat maging “caretaker mayor” batay sa line of succession ay kasalukuyang pinaghahanap ng batas sa kasong illegal possession of firearms and ammunition.
Matatandaang napatay si Mayor Parojinog, Sr. at 14 na iba pa noong Linggo ng madaling-araw, July 30, sa magkakasunod na police raid na nauwi sa shoot-out.
Ito ay nang manlaban umano ang mga Parojinog sa mga operatiba ng Philippine National Police na magse-serve ng anim na search warrant.
Si Vice Mayor Parojinog-Echavez naman kasama ng kaniyang kapatid na si Reynaldo Parojinog, Jr. ay inilipat na sa Camp Crame para sa inquest proceedings.
Sina Mayor Parojinog Sr. at Vice Mayor Parojinog-Echavez ay nauna nang tinukoy ni Pangulong Rodrigo Duterte na kasama sa drug operations sa Misamis Occidental subalit pinabulaanan ng dalawa ang paratang sa kanila.
Dia Marmi Bazar – Eagle News Correspondent, Ozamis City