MANILA, Philippines (Eagle News) — Iniharap ng National Bureau of Investigation sa media ang dalawang suspek na nagpapakilalang may kaugnayan sa Malacañang.
Nahuli sa entrapment operation sa Maynila ang mga salarin na sina Aira Enriquez at Robert Tesorero ng mga operatiba ng NBI Anti-Fraud Division.
Ito’y makaraan magsumbong ang isang complainant dahil sa paniningil ng dalawa ng halagang dalawampung libong piso (Php 20,000) kapalit ng pag-aasikaso ng aplikasyon para makakuha ng pwesto bilang Regional Director ng Mines and Geosciences Bureau.
Isang nagngangalang Alma Carreon ang sinasabing boss ng dalawang suspek na konektado raw sa presidential management staff.
Batay sa record ng Human Resource Management Office ng Malacañang, hindi nila empleyado sina Enriquez at Tesorero.
Lumilitaw rin sa record ng NBI na may kasong carnapping, estafa at iba pang panggagantso ang kinasangkutan ni Enriquez.
Kapwa nahaharap ang dalawa sa kasong usurpation of authority.