MANILA, Philippines (Eagle News) — Kinumpirma ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na tinanggal na ang dalawamput- isang prison guard na bantay ng walong high profile inmate na nakakulong sa Armed Forces of the Philippines (AFP) Custodial Center.
Kasunod ito ng sinasabing pagkakapuslit sa selda ng mga inmate ng mga prohibited item at gadget at pagbibigay sa mga ito ng special treatment dahil sa pagtestigo sa bilibid drug trade laban kay Senador Leila De Lima.
Ayon kay Aguirre, ibinalik ang mga Bureau of Correction (BuCor) guard sa bilibid at isasailalim sa imbestigasyon.
Partikular sa inalis si Prison Guard 3 Marlon Mangubat at dalawampung iba pa.
Nagtalaga naman ang BuCor ng bagong officer in charge at mga prison guard sa AFP detention facility.
Binanggit din ng kalihim ang clearing operations o pagbaklas na ginawa ng BuCor sa mga aircon sa selda.
Pero wala aniyang nakitang mga cellphone sa mga naturang preso.
Iisa lamang aniya ang nakakabit na telepono sa reception area ng detention facility at ito ay para sa emergency purposes at kontrolado ng BuCor at ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF).
Lahat daw ng mga tawag ay inililista, kung sinong preso ang tumawag, oras at petsa ng tawag at kung sino ang tinawagan.
May isa rin aniyang television set na naka-puwesto sa reception area para sa scheduled na panonood ng mga preso.
Eagle News Service