21 mining operations, ipinasasara ng DENR; 6, ipinasususpinde

(Eagle News) — Dalawampu’t-isang (21) mining operations ang ipinag-utos ng Department of Environment and Natural Resources(DENR) na ipasara. Resulta ito ng pagpapatuloy ng mining audit sa 41 metallic operating mines sa bansa.

Sa resulta ng isinagawang mining audit, nakita ang matinding pinsala sa katubigan at kabundukan dahil sa operasyon ng mga nasabing minahan.

Ayon kay Environment secretary Gina Lopez, nag-ooperate ang mga nasabing mining company sa mga functional watershed at nakitaan ng iba’t-ibang environmental violation.

Ipinapasara ng DENR, ang apat na mining operations ng  kumpanyang Benguet Corp Nickle Mines Incorporated, Eramen Minerals Incorporates, LNL Archipelago Mineral Incorporated, at Zambales Diversified Metals Corporation.

Tatlong mining operations naman na nasa watershed ng Homonhon, Samar ang ipinag-utos din na ipasara kabilang ang sa Mt.Sinai Mininh Exploration and Development Corporation, Emir Minerals Corporation, at TechIron Mineral Resources Incorporated.

Sa Dinagat islands na idineklarang mineral reservation magmula pa noong 1939 ay pitong mining operations ang ipinasasara ng DENR kabilang ang Ammphl Natural Resources Exploration, Kromico, Inc, Sinosteel Philippines H.Y Mining Corporation, Oriental Synergy Mining Corporation, Wellex Mining Corporation, Libjo Mining Corporation At Oriental Vision Mining Philippines Corporation.

Habang pitong mining operations din sa Surigao Del Norte kabilang ang Adnama Mining Resources Corporation, Claver Mineral Devt Corp, Platinum Devt. Corp, Ctp Construction And Mining Corp, Carrascal Nickel Corporation, Marcventures Mining And Devt. Corporation At Hinatuan Mining Corporation.

Sabi ni Lopez, maaari pa namang umapela ang mga nabanggit na mining firm pero sa tanggapan na mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Nagbigay na rin ng closure order ang ahensya sa mga nasabing kumpanya.

Ibig sabihin hindi na sila maaaring mag operate hanggat hindi nila naiaapela ang desisyon.

Anim na mining operations naman ang sinuspinde ng  DENR habang labintatlo (13) ang nakapasa sa mining audit pero patuloy na imomonitor ng ahensya ang operasyon ng mga ito.

Samantala, nakatakda namang gawing eco-tourism ang ipasasarang mining sites ng DENR.

 

Related Post

This website uses cookies.