(Eagle News) — Tinanggal na sa kani-kanilang puwesto ang 22 chiefs of police (COP) sa Cagayan Valley region matapos silang bumagsak sa pagpapatupad ng kampanya ng gobyerno laban sa iligal na droga.
Ayon kay PNP Region II Acting Director, PC/Supt. Gilbert Sosa, nabigo aniya ang 22 chiefs of police na maipakitang magiging mabisa silang katuwang ng PNP sa pagnanais ni Pangulong Rodrigo Duterte na mawala o mabawasan ang operasyon ng iligal na droga sa bansa sa loob ng anim na buwan.
Sinabi pa ni Sosa na binalaan naman niya nang mag-assume siya sa pwesto noong nakaraang buwan ang kanyang mga COP at provincial directors na mag-double time sa kampanya kontra droga at kung hindi makakamit ang kanilang target sa itinakdang deadline, sisibakin ang mga ito .
Papalitan umano ni Sosa ang mga sinibak na pulis ng mga mas mahuhusay magtrabaho upang makamit aniya ang hangaring maging drug-free ang Region II.