2nd Car and Motor Bike Show isinagawa sa Tayug, Pangasinan

TAYUG, Pangasinan (Eagle News) – Matagumpay na naisagawa ng Eastern Pangasinan Riders Club ang 2nd Car and Motor Bike Show sa Plaza ng Tayug, Pangasinan. Ang nasabing aktibidad ay exhibit ng mga motor at kotse na may iba’t-ibang disenyo. Nilahukan pa ito ng mga exhibitor mula pa sa iba’t ibang bayan ng Pangasinan at maging sa mga taga ibang probinsya.

Ayon kay G. Mauricio, isa sa mga lumahok na galing pa sa Cabanatuan, Nueva Ecija, ang kaniyang tricycle ay sampung taon na sa kaniya. Kaya aniya siya sumali para maipakita sa mga tao kung paano ang pag-aalaga sa sasakyan. Sabi pa niya na hindi lamang minsanan ang kaniyang ginawang pagdidisenyo ukol dito.

Ayon naman kay Jerry Leal, President ng EPRC, ang Car and Motor Bike Show na ito ay ilalaan nila sa pagtulong sa mga Day Care Center ng Pangasinan. Nais din nilang tumulong sa mga nangangailangan mula sa pondo na malilikom nila sa aktibidad.

Ang organizer ng programang ay si G. Randy Olarte ng VIP production kung saan 40-50 car show ang kanilang isinasagawa sa Pilipinas. Ayon sa kaniya nais nilang pag-isahin ang lahat ng car enthusiast at lahat ng motor bike enthusiast para maipakita kung gaano kaganda ang mga entries at creativity ng mga Filipino na ang ordinaryong motorbike at car ay may pagkakataon pang gumanda. Aniya ay makatutulong din ito para maiwasan ang masamang gawain o bisyo.

Juvy Barraca – EBC Correspondent, Tayug, Pangasinan

This website uses cookies.