Daet, Camarines Norte (Eagle News)- Muling isinagawa sa Camarines Norte Lowland Rainfed Research Station sa Calasgasan, Daet ang Pineapple Harvest Festival kamakailan.
Ito ay pinangunahan ng Department of Agriculture (DA) at Bureau of Plant Industry (BPI). Si Dr. Juan Romeo Nereus O. Acosta, Presidential Adviser for Environmental Protection ang siyang naging panauhing pandangal. Kasama rin sa mga panauhin sina Dr. Vivencio Mamaril – Supervising Agriculturist BPI, Dr. Edgar R. Madrid- RTD for Research and Regulation DA RFU-5, Hon. Estrella Sulpa -Barangay Captain of Calasgasan at Mr. Noriel Agulay – Farm Manager of Acosta Farm.
Ang layunin nito ay upang ipaalam sa mga magsasaka ang dalawang alternatibong variety ng pinya na pinag-aaralang palaguin sa research station. Ito ay ang Ulam at MD2 variety. Nais ng DA at BPI na magkaroon ng pagpipilian ang mga magsasaka kung anong pinya ang babagay sa kanilang paggagamitan at sitwasyon ng lupa.
Kabaligtaran ito sa akala ng karamihan na nais na nilang palitan ang Formosa o Queen pineapple na siyang kasalukuyang itinatanim sa lalawigan. Nais nila maging hamon ang mga bagong variety sa mga nagtatanim ng Formosa upang galingan pa ang teknolohiya sa pagsasaka nito nang sa gayon ay matugunan ang mga kahinaan nito tulad ng maliliit na bunga.
Ipinaalam ng DA na ang MD2 variety ay maaari nang simulang itanim ng mga magsasaka sa ating lalawigan. Maaari silang makipag-ugnayan sa research station (dating Daet Seed Farm sa Calasgasan, Daet) upang makahingi ng pantanim.
Ang Ulam variety ay protektado pa ng patent at copyright kung kaya’t hindi pa madaling makuha ng pahintulot sa pagtatanim nito. Ipinahayag ni Dr. Acosta na siya ring anak ng breeder na gumawa ng Ulam variety na sila ay bukas sa negosasyon sa sinumang organisadong grupo ng magsasaka na nais magtanim nito. Nais din naman nya na maitanim at pakinabangan ng mga Filipino ang imbensyon ng kanyang ama. Ito ang dahilan kung bakit hindi ibinenta ng kanyang ama ang rights nito sa isang malaking korporasyon dahil ibang bansa ang makikinabang sa halip na mga kababayan nya.
Matapos magsalita ang mga panauhin ay nagkaroon ng open forum na sinundan ng taste test challenge na kung saan mas pinaboran ang Ulam variety. Nagroon din ng raffle na kung saan ang mga dumalo ay nanalo ng mga abono, seedlings, T’shits at farm equipment. Ang huling bahagi ng festival ay ang pineapple picking na kung saan naranasan ng mga kalahok ang pag-ani ng pinya at pamimigay ng mga seedlings ng research station. (Eagle News/Edwin Datan, Jr.)