BENGUET, Baguio City (Eagle News) — Tatlo katao ang sugatan matapos na magkarambola ang apat na sasakyan sa Bokawkan Road Baguio City.
Ayon kay Rafael Valencia ng Rescue 911 Baguio City, ang mga sugatan sa nasabing aksidente ay kinilalang sina Jovento Toquero, 22, Cesar Novillo, 47, at isa pa na nakilala lamang sa apelyidong Mader, 37 taong gulang na agad namang isinugod sa Baguio General Hospital para lapatan ng lunas.
Agad ring rumesponde sa lugar ang mga kagawad ng BFP, BCPO enforcer at mga rescue volunteer para magbigay ng assistance sa mga motorista at mga biktima.
Nagdulot naman ng masikip na daloy ng trapiko sa nasabing lugar dahil ang aksidente.
Samantala, nagdulot din ng pagkaputol ng supply ng kuryente ang ilang lugar sa Baguio katulad ng Upper at Lower P. Burgos, Bokawkan Road at ilang mga sakop na barangay matapos na banggain ng isang truck ang mga poste ng kuryente.
Ang insidente ay nagresulta ng pagkaputol ng mga kable na nagkalat pa sa kalsada, pagkakasira ng ilang transformer na kumalat din sa naturang kalsada. Agad namang rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng Benguet Electric Company (Beneco) para ayusin at tanggalin ang mga nasirang mga kable at poste sa kalsada.
Nananawagan naman ang mga otoridad lalo na sa mga driver at motorista na magdoble ingat at maging mabagal lamang sa pagpapatakbo para iwas disgrasya o aksidente.
(Eagle News Freddie Rulloda)