SAN FABIAN, Pangasinan (Eagle News) – Arestado ang tatlong mangingisda matapos mahulihan sila ng mga pampasabog sa Pangasinan kamakailan.
Kinilala ni Chief Insp. Arvin Jacob, hepe ng San Fabian, ang mga nadakip na sina Boyet Salcedo, 46; Reynaldo Tanghel, 51; at Jeson Imbornal, 44.
Si Imbornal ay nahulihan ng tatlong bote ng explosive device o bongbong, si Tanghel ng dalawang improvised dynamite na may blasting cap at si Salcedo ng dalawang improvised dynamite.
Nahuli ang tatlo sa isang raid sa Brgy. Nibaliw Narvarte, San Fabian.
Nabawi ang mga pampasabog.
Ayon sa pulisya, ang operasyon ay bahagi ng inilunsad nilang giyera at ng lokal na pamahalaan laban sa ilegal na pangingisda sa mga coastal barangay sa nasabing bayan.
Ang tatlong suspek ay nakadetine ngayon sa San Fabian headquarters, at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa presidential decree 1866, o unlawful manufacturing, sales, acquisition, disposition or possession of explosives.
Nora Dominguez – Eagle News Correspondent, Pangasinan