3 “narco-mayor” mula Mindanao, iimbestigahan na rin ng PDEA

(Eagle News) – Nakatakda na ring imbestigahan ng Philippine Drug Enforcement Agency ang tatlong alkalde mula sa Mindanao na sangkot umano sa operasyon ng iligal na droga ni Maasim, Sarangani Mayor Aniceto Lopez, Jr.

Ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency Director-General Chief Supt. Aaron Aquino, ang mga nasabing alkalde ay nasa “green book” ni Lopez na kasama sa mga narekober ng mga awtoridad sa ginawang raid sa bahay nito sa Maasim, Sarangani ilang araw na ang nakalilipas.

Ang mga ito na hindi niya pinangalanan ay iniuugnay sa ilegal na transaksyon ng El Patron Drug Network na pinamumunuan umano ni Lopez.

Ayon kay PDEA Regional Chief Cesario Gil Castro, ang El Patron Drug ring ay may kaugnayan  sa local narco-terror group na Ansar-Khalifa Philippines, na inuuugnay naman sa drug network ng napatay na si Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog, Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa at ang  drug lord na si Herbert Colangco.

Sa ngayon, sinabi ni Aquino na mahigpit  ang kanilang ginagawang pagbabantay sa tatlong alkalde.

Ang mga ito umano ang susunod na target ng anti-drug operations ng PDEA.

Si Lopez ay una nang kinasuhan ng PDEA sa Alabel Prosecutor’s Office sa Sarangani ng illegal possession of drugs, firearms and explosives.