Ni Mar Gabriel
Eagle News Service
(Eagle News) — Pasado alas nuebe kagabi, Hulyo 31, nang maaresto sa entrapment operation ng Philippine National Police-Counter Intelligence Task Force ang tatlong pulis Valenzuela at isang sibilyan na nangongotong umano sa mga junk shop sa lungsod.
Nakilala ang mga pulis na sina SPO4 Seraffin Adante, PO1 Ryan Paul Antimaro, PO1 Rey Harvey Florano at ang sibilyan nilang kasama na si Amado Baldon Jr.
Ayon kay CITF Commander PSenSupt. Romeo Caramat, tatlong gabi nilang minanmanan ang grupo matapos na makatanggap sila ng reklamo laban sa mga ito.
Modus ng ng mga ito na mangolekta ng Php 200 hanggang 500 sa nasa 15 junk shop sa lungsod gabi-gabi.
Ayon kay Caramat, posible raw na sa mga junkshop na ito tsinachop-chop ang mga nakaw na motorsiklo kaya nagbibigay din ang mga ito ng proteksyon money sa mga pulis.
Nakatakdang sampahan ang mga pulis ng kasong extortion habang mahaharap din sila sa kasong administratibo na grave misconduct na maaari daw nilang ikatanggal sa serbisyo.
Samantala, nagsumite na raw ng report si Caramat kay National Capital Region Police Office Director Chief Supt. Guillermo Eleazar kaugnay ng kanilang operasyon at nakadepende na raw dito kung iirelieve niya sa pwesto ang lahat ng pulis sa PCP 8 kasama ang kanilang precinct commander.