DAVAO CITY, Philippines (Eagle News) – Nasa 300 pamilya ang sapilitang inilikas sa kanilang mga lugar makaraang tumaas ang lebel ng tubig sa ilang mga ilog sa Davao City, noong Huwebes ng gabi, May 11.
Partikular na naapektuhan ng forced evacuation ang mga residenteng nakatira malapit sa mga ilog sa Brgy. Talomo Proper at Brgy. Matina crossing. Sinimulan ang evacuation dakong 8:00 ng gabi nang biglang tumaas ang tubig sa mga ilog na bumabagtas sa dalawang barangay.
Sa pangambang umapaw ang mga ito, nagpasya ang lokal na pamahalaan na ipatupad ang pagpapalikas sa mga residente tungo sa mas ligtas na lugar. Simula pa noong Miyerkules (May 10) nakakaranas na ng mga pag-ulan sa lungsod bunga ng thunderstorms.
https://youtu.be/gfGA9RH3_Lo
Roan Asaytono – EBC Correspondent, Davao City