4 na katao, arestado sa isinagawang buy-bust operation sa Biñan, Laguna

Willson Palima/Eagle News/

BINAN, Laguna (Eagle News) — Arestado sa isinagawang buy-bust operation ang apat na katao sa isang  bahay na matagal nang minamanmanan ng otoridad nitong Huwebes ng gabi, ika-10 ng Mayo.

Ang mga suspek na naaresto sa bahay na diumano’y bagsakan ng iligal na droga sa Tramo, Barangay Canlalay, Biñan City ay kinilalang sina Joel Fernandez Casbadillo, 44;  Ronamay Casbadillo Haca, 22;  Aiza Rheygene Zara Casbadillo Haca, 24; at ang kasama nito na si Ryan Ignacio Zaballa, 31.

 

Sa ikinasang operasyon ng mga otoridad, isang arresting officer na nagpanggap na poseur buyer ang bumili ng isang pirasong sachet ng iligal na droga kay Casbadillo.

Tinanggap naman ng suspek ang bayad na 500 peso at inabot ito kay Ronamay.

Sina Aiza at Zaballa ay naaktuhan namang nagtitimbang at nagre-repack ng mga droga, ayon sa pulisya.

Tinatayang 10.8 gramo ng hinihinalang droga na may street value na mahigit sa Php 43,000 ang nakumpiska sa mga suspek.

Narekober din sa kanilang pag-iingat ang 15 pirasong heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman na hinihinalang shabu, 15 100 peso bills, isang 500 peso bill na ginamit bilang marked money, isang mini-digital weighing scale at isang disposable lighter na ginagamit umano sa sealing ng plastic sachet.

Ayon kay PSupt. Gauvin Mel Y. Unos, Officer-in Charge ng Biñan City Police Station, nasa watchlist na noong una pa ang mga nasabing suspek.

Sila ay nakapiit sa custodial facility ng Biñan City Police Station at nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5, 7, 11 at 26(b) Article ll ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

Ang mga nakumpiskang  ebidensya ay dinala sa Regional Crime Laboratory Office, 4-A para sa kaukulang  laboratory examination. Jackie Palima, Willson Palima

Related Post

This website uses cookies.