PUERTO PRINCESA City, Palawan (Eagle News) — Apat na miyembro ng New People’s Army ang sumuko sa Armed Forces of the Philippines sa Palawan kamakailan.
Dalawa sa mga sumuko sa Brooke’s Point ay babae na may edad 19 at 16 anyos lamang.
Kasabay na ring isinuko ng mga rebelde ang isang M16 rifle, isang M1 Garrand, isang shotgun, at improvised explosive device (IED).
Kinondena naman ng AFP Western Command ang mga rebeldeng grupo dahil sa paggamit nito sa mga kabataan sa kanilang ginagawang paglaban sa pamahalaan.
Anila, ito ay malinaw na paglabag sa human rights at International Humanitarian Law.
Patuloy namang hinihimok ni Wescom Commander Maj. Gen. Galileo Gerard Kintanar ang iba pang miyembro ng komunistang grupo na ibaba na ang kanilang mga armas at sumuko na sa pamahalaan upang matulungan sila na magkaroon ng mapayapang pamumuhay sa lipunan.
Ang mga rebel surrenderee ay nasa pangangalaga ngayon ng militar at isasailalim sa psychological examinations, gayon din sa validation at documentation.
Inihahanda ang kanilang aplikasyon upang mapagkalooban ng financial at livelihood assistance mula sa Local Social Integration Program (LSIP) ng provincial government at Comprehensive Local Integration Program (CLIP) ng Department of the Interior and Local Government.
(Anne Ramos – Eagle News Correspondent)