4 patay, daan-daang residente apektado ng pagbaha sa Sarangani province

SARANGANI PROVINCE (Eagle News) – Umabot na sa apat ang naitalang patay habang daan-daang pamilya naman ang apektado sa pagbaha sa Sarangani Province simula nang bumuhos ang malakas na ulan nitong Sabado, ika-13 ng Mayo.

Ayon kay Rene Punzalan ng Sarangani Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, kabilang sa casualties ay ang nasawing mag-ina na sina Reina Suana at anak nitong si James sa Barangay Ampon, Malungon, Sarangani matapos malunod sa Lumabat river.

Sa mga nakaraang araw ay magkasunod na natagpuan din ang bangkay ng magpinsan sa Glan, Sarangani na nakilalang sina Ana Linando, 12 taong gulang, at Ronilyn Linando, 11 taong gulang, matapos anurin ng tubig-baha. Aabot naman sa 257 pamilya ang apektado ng pagbaha sa Alabel, Sarangani.

Sa Malungon, Sarangani, tatlong bahay naman ang nasira habang tatlong bahay sa Barangay Banahaw ang totally damaged. Nasira naman ang footbridge sa Suyan, Malapatan.

Maraming pananim din sa ilang agricultural areas ang hindi na mapapakinabangan pa bunsod ng mga pag-ulan.

Patuloy naman ang assessment ng PDRRMO para sa agarang aksyon upang matulungan ang mga apektadong pamilya sa nangyaring pagbaha sa Sarangani.

Lyn Ramos, Eagle News Service

Related Post

This website uses cookies.