Nagsagawa ng Lingap-Pamamahayag ang mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo sa lalawigan ng Quirino. Kasabay ito ng isinagawang pambuong mundo na pamamahagi ng polyeto ng mga kaanib.
Kabilang sa mga nakinabang sa nasabing Lingap-Pamamahayag ay ang mga katutubong Agta na tinatawag ding Dumagat sa barangay Disimungal, Nagtipunan, Quirino.
Ang nasabing lugar ay bahagi ng mga kabundukan ng Sierra Madre at na dito naninirahan ang naturang mga katutubo.
Sa nasabing aktibidad, sinimulan ang pamamahagi ng polyeto sa lahat ng mga naninirahan dito.
Pagsapit ng tanghali ay tinipon ang mga katutubo at masaya silang nakipag-boodle fight sa mga miyembro ng INC.
Bago ang pinakatampok ng programa ay nagsagawa rin ng mga palaro o parlor games na kung saan tumanggap ng premyo ang mga kalahok katulad ng tsinelas, damit at gamit sa kusina.
Kasunod nito ang pangangaral ng mga Salita ng Diyos na pinangunahan nina Brother Alberto Ramos, Tagapangasiwa ng Distrito at Brother Florendo Albano, ministro ng ebanghelyo.
Sa pagtatapos ng aktibidad ay tumanggap ng goody bags ang nasa 400 katutubo.
Samantala, laking pasasalamat ng mga katutubong Agta sa pamunuan ng INC sa tinanggap nilang aral ng diyos at maging ng Lingap lalo’t halos wala silang inani dahil sa epekto ng El Niño.