DAVAO City (Eagle News) — Isang batalyon ng mga sundalo ang hinugot mula sa Sulu at dinala sa Davao City upang mas paigtingin pa ang seguridad ng lungsod laban sa mga hinihinalang terorista at komunistang rebelde.
Ayon sa Davao City Information Office, nasa 400 miyembro ng 16th Infantry Battalion ng Armed Forces of the Philippines na pinangungunahan ni Lieutenant Colonel Daren Comia ang darating sa araw na ito ng Biyernes, Mayo 19, upang mas paigtingin ang seguridad at kapayapaan sa lungsod.
Tutulong ang mga nasabing sundalo sa Task Force Davao para protektahan ang lungsod mula sa mga pag-atake ng mga rebeldeng New People’s Army.
Matatandaang noong Setyembre ng nagdaang taon ay naganap ang malagim na pagpapasabog ng mga hinihinalang terorista sa Roxas Night Market kung saan labinlimang katao ang nasawi.
Lubos naman ang pasasalamat ni Mayor Sara Duterte sa dagdag na seguridad sa kaniyang lugar na nasasakupan.