By Zen Tambioco
Eagle News Service Davao
TAGUM City, Davao Del Norte (Eagle News). Apat na libong drug users at pushers ang sumuko sa Tagum City dahil sa mas pinaigting na kampanya ng syudad laban sa droga na tinawag nilang “Seryosong Tagumenyo Ayaw ng Droga” o STAnD. Pinapangunahan ng alkalde ng Tagum City na si Mayor Allan L. Rellon ang nasabing kampanya.
Suportada rin ni Davao North Provincial Governor Anthony G. Del Rosario ang kampanyang STAnD ng Tagum City. Ayon sa kanya, nito lamang raw umaga ng Jul.9, nasa 2,500 katao ang sumuko sa mga otoridad sa probinsya ng Davao North. Maliban pa ito sa 4000 taong sumuko na mula lahat sa Tagum.
Isinagawa ang launching ng INTENSIFIED ANTI ILLEGAL DRUGS CAMPAIGN ng Tagum City ngayong Sabado, Hulyo 9, sa City Hall. Sa programa, hinikayat ni Gov. Del Rosario ang mga mamamayan sa buong probinsya na makiisa at tumulong sa gobyerno bago umano mapilitan ang mga otoridad na gawin ang nararapat para sa mga taong patuloy ang paglabag. Nagkaroon rin ng pledge of allegiance ng mga sumuko bilang suporta sa Oplan Tokhang/Taphang na sinimulan ni President Duterte.
Matatandaan na noon lamang June 29, 2016 nasa 4,000 drug users/pushers ang sumuko rin sa mga awtoridad sa Region 12. Mula sa mga ito, 2490 katao ang nagmula sa South Cotabato, 1342 ang nagmula sa Sultan Kudarat, 114 sa Central Mindanao at 12 naman mula sa North Cotabato.
Inaasahan na ang mga taong sumuko sa awtoridad ay tutulungan ng gobyerno makapagbagong buhay sa pamamagitan ng rehabilitasyon at iba pang programa.
(Photos by Ruel Dagsangan, Jeanevive Duron)