LIANGA, Surigao del Sur (Eagle News) – Isang bahay at limang motor na pagmamay-ari ng mga empleyado sa Department of Environment and Natural Resources ang nilamon ng apoy sa Surigao del Sur kamakailan.
Ayon sa Bureau of Fire Protection sa Lianga na mabilis rumesponde sa lugar, nagsimula ang sunog sa garahe ng bahay sa Purok 2, Brgy. Banahao, na pagmamay-ari ng isang Macario Angelia.
Sa garahe umano naka-park ang limang motor na pagmamay-ari ng kaniyang mga anak.
Sinubukan pang apulahin ng mga bombero ang apoy na umakyat sa unang alarma gamit ang timba ngunit mabilis na kumalat ito dahil ang bahay ay gawa sa light materials.
Tinatayang humigit kumulang sa tatlong daan at limampung libong piso ang kabuuang halaga ng mga ari ariang natupok ng apoy.
Wala namang napaulat na nasaktan o nasawi sa nasabing insidente.
Personal na galit ang tinitingnang motibo ng mga awtoridad sa panununog dahil ang dalawang anak ng nasunugan ay kasalukuyang nagtatrabaho sa DENR.
Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente.
Issay Daylisan – EBC Correspondent, Lianga, Surigao del Sur