50 barangay sa Dapitan, isinailalim sa Disaster Awareness and Risk Seminar Workshop

DAPITAN CITY, Zamboanga del Norte (Eagle News) – Isinailalim sa Disaster Awareness and Risk Assessment Seminar Workshop ang 50 barangay na sakop ng Dapitan na ginanap sa Dapitan Resort Hotel noong Miyerkules, Hunyo 7. Pinangunahan ito ng LGU Dapitan at CDRRMO na pinangunguluhan ni Engr. Nelson Quimiguing. Layunin nito na madagdagan pa ang kaalaman ng mamamayan sa mga pamamaraan at kung paano paghahandaan ang mga kalamidad tulad ng baha at lindol.

Naging pangunahing tagapagsalita si Dr. Teresito C. Bacolcol, Associate Scientist ng DOST-Phivolcs mula sa Central Office. Nagtapos ito ng kursong Bachelor of Science in Geology noong 1995 sa University of the Philippines, Diliman, Quezon City.

Ipinaunawa ng Doktor ang tungkol sa lindol na posibleng tumama sa Zamboanga del Norte, kung saan kabilang sa maapektuhan ang syudad ng Dapitan. Dahil aniya ay maaaring maapektuhan ang Cotabato-Sindangan Trench na aabot ng intensity 6. Ayon pa kay Bacolcol, posible ring umabot sa 6-10 meters ang taas ng tsunami kung mayroong lindol sa Sulu-Negros Trench na siyang Local Tsunami Generator.

Ipinaunawa rin ni Dr. Victor Bernido ng Office of the Civil Defense Region-IX ang tungkol sa Hydro-Meteorological Hazards. Ito ay kung paano ang gagawin kung may baha, landslide at ibang kalamidad na posibleng ikakapahamak ng mga tao tulad ng nangyari sa bagyong Yolanda.

Ang nasabing workshop proper, ay dinaluhan ng mga barangay kapitan at barangay secretaries para sa kanilang karagdagang plano kung paano maipaaabot ang mga babala sa mga residente upang maiwasan ang disgrasya sa panahon ng kalamidad.

Dagdag pa ni Dr. Bernido, na ang pagtutulungan sa karatig barangay ay malaking bagay na para matulungan ang mga nangangailangan.

Malaki naman ang pasasalamat ng Alkalde ng siyudad sa ginawang lektura, dahil nadagdagan at nabigyan ng impormasyon ang 50 barangay na sakop ng siyudad tungkol sa paghahanda ukol sa mga hindi inaasahang kalamidad.

Elmie Ello – EBC Correspondent, Zamboanga del Norte

Photo credits: City Information Division Dapitan City

 

 

Related Post

This website uses cookies.