500 bagong pulis sa PRO-9, nanumpa na

ZAMBOANGA CITY (Eagle News) – Matapos ang halos apat na buwang screening process na isinagawa ng Police Regional Office 9-Recruitment and Selection Board ay umabot sa kabuuang bilang na 500 bagong pulis na may ranggong PO1 ang pinapanumpa na.

Sinaksihan ng mga pamilya ng mga aplikante ang okasyon na idinaos sa PRO 9 Multi Purpose Hall, Barangay Mercedez, Zamboanga City.

Pinangunahan ni Chief Supt. Billy Beltran, Regional director ang nasabing oath-taking.

Pinuri niya sa kaniyang mensahe ang mga nanumpang pulis sa pagkakapasa ng mga ito sa serye ng mga pagsusulit at training.

Ipinaalala niya sa kanila na simula pa lamang ito ng kanilang piniling propesyon at masuwerteng nabigyan ng natatanging pribilehiyo na ipagtanggol ang bansa.

Hinikayat niya rin silang magsimulang humanay sa mga tapat na pulis.

Binubuo ng 400 lalaki at 100 babae ang mga bagong pulis na pumasa sa naturang mga pagsusulit.

Pagkatapos naman nito ay itu-turn over naman sila sa Regional Training Center 9 para sa anim na buwang Public Safety Basic Recruit Course kung saan karagdagang limang buwang Field Training Exercises ang gugugulin nila sa iba’t ibang istasyon ng pulisya para sa hands on-the-job training.

Patuloy pang tumatanggap ngayon ang PRO 9 ng mga bagong aplikante para punan ang nalalabing 230 na quota para sa mga bagong batch.

Jun Cronico – Eagle News Correspondent, Zamboanga City

Related Post

This website uses cookies.