54 kumpirmadong patay sa pananalasa ng bagyong Ompong sa Cordillera Region

Ni Freddie Rulloda
Eagle News Correspondent

BAGUIO CITY, Benguet (Eagle News) – Aabot na sa 54 katao ang kumpirmadong namatay sa pananalasa ng bagyong Ompong sa rehiyon ng Cordillera.

Ayon sa City Disaster Risk Reduction Management Council (CDRRMC) at Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) Command Office, karamihan sa mga namatay ay natabunan ng gumuhong lupa at putik. Ang ilan naman ay naanod ng rumaragasang tubig, at natamaan ng mga tumumbang mga punong-kahoy.

Narecover ang mga labi ng mga biktima sa makakapal na putik at lupa matapos ang mga pagguho.

Narito ang bilang ng mga namatay mula sa iba’t-ibang lalawigan at lugar sa Cordillera:

  • Baguio City – 9
  • La Trinidad, Benguet – 3
  • Kalinga – 1
  • Mt. Province – 6
  • Tuba, Benguet – 1
  • Itogon, Benguet – 34

Matatandaan na sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Ompong sa isang Mining Village, Ucab Itogon, Benguet dahil sa matinding hagupit ng bagyo na may kasamang malalakas na hangin at pagragasa ng tubig-ulan mula sa mga kabundukan, lumambot ang mga lupa, hanggang unti-unting natibag ang mga pundasyon ng lupang kinatitirikan ng mga kabahayan.

Nahirapan naman ang sumaklolong mga rescuer at responder sa lugar dahil sa makapal na lupa at putik sa lugar. Idagdag pa ang kakulangan ng gamit at equipment kaya ang kanilang ginagawa ay manu-manong mga paghuhukay.

Samantala, naging bayani naman sa mga taga-Loacan ang pagkamatay ng walong rescuers na napag-alamang karamihan ay mga kapit-bahay at kaibigan ng mga nirespondehan nilang pamilya sa may Sitio Dampingan, Bocsey, Loacan.

Matapos na maganap ang isang pagguho ng lupa at matabunan ang ilang kabahayan, nasawi ang walong biktima habang nagsasagawa ng rescue operation. Kinilala ang mga ito na sina; Michael Milo, Hector Milo, Marlon Bautista, Anthony Siblag, isang nangngangalang Anthony, isang nakilala lamang sa pangalang Jerry alyas “Tokong” at dalawa pa na inaalam na ng otoridad ang kanilang pagkakilanlan.

Samantala, nanatili pa rin sa iba’t ibang pagamutan ang 33 katao na nasugatan sa pagguho ng lupa.

Ayon sa ulat ng CDRRMC at PDRRMO ng Baguio City, dalawa ay taga-Ifugao, apat ay mula sa Mt. Province, tatlo sa Kalinga, lima naman sa Ifugao, dalawa sa Baguio City, at 17 ay mula sa Benguet Province.

Sa kasalukuyan ay nagpapatuloy ang mga clearing operation ng mga otoridad kasama ang mga barangay official at civilian volunteers para linisin ang mga putik sa mga kalsada na dinaluyan ng malalakas na agos ng tubig sa kasagsagan ng bagyong Ompong.

Muli namang binuksan ang Marcos Highway nitong Linggo ng gabi matapos na magkaroon ng sira at pagguho ng lupa sa naturang daanan, kung kaya’t naging isolated pansamantala ang Baguio City at ilang lugar sa lalawigan ng Benguet. (Eagle News Service)

Related Post

This website uses cookies.