57,000 housing units nakatakdang ipamahagi sa qualified beneficiaries – NHA

(Eagle News) — Inilabas na ng National Housing Authority (NHA) ang guidelines sa pagbibigay ng housing units sa mga kuwalipikadong benepisyaryo na hindi miyembro ng Philippine National Police (PNP) at ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Nito lamang Hulyo 13 nang aprubahan ang NHA board resolution na nagpapahintulot sa ahensya na ipagkaloob na ang nasa 57,000 housing units sa buong bansa para sa mga kwalipikadong benepisyaryo kabilang ang nasa informal settlers at empleyado ng gobyerno.

Mula sa kabuuang bilang, 1,980 na housing units na ang available para sa mga kwalipikadong miyembro ng kadamay sa Pandi, Bulacan.

Ang mga nasabing miyembro ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) ay umokupa sa mga pabahay noong nakaraang taon at hindi na umalis doon. At nasa 1,500 na housing units pa ang available para sa iba pang miyembro ng Kadamay.

Pero nilinaw ni NHA Chief of Staff John Christopher Mahamud na kinakailangan munang sumunod ng mga Kadamay sa requirements bago maibigay sa kanila ang housing units.

Kinakailangang magsumite ng mga dokumento gaya ng proof of identity at civil status.

https://youtu.be/oYahb5H3NoI