(Eagle News) — Anim na pulis ang patay habang siyam na iba pa ang sugatan sa nangyaring misencounter na naganap sa Sitio Lunoy, Brgy. San Roque, Sta. Rita Samar Lunes ng umaga, Hunyo 26.
Ayon sa press release na ipinadala ng 8th Infantry (Storm troopers) Division, Philippine Army Division Public Affairs Office sa media, nagpapatrol sa lugar ang mga tauhan ng 1st Platoon ng 805th company ng Regional Mobile Force Batallion nang maka-engkwentro nila ang ilang armadong lalaki.
Tumagal ng 20 minuto ang bakbakan at hindi umatras ang grupo ni Chief Insp. Don Arhie Suspeñe na pinuno ng pwersa ng PNP. Pero anim sa kanyang mga tauhan ang patay na pawang may mga ranggong PO1, samantalang siyam ang naitalang sugatan na ngayon ay ginagamot sa magkakahiwalay na ospital.
Sa inisyal na imbestigasyon ng PNP-Samar ay natuklasan nilang mga sundalo ang namaril sa mga pulis.
Ang nakabarilan ng mga pulis ay ang grupo ni 1st Lt. Orlando Casipit Jr. ng 87th Infantry Battalion (87IB) ng Philippine Army.
May kasamang 16 na enlisted personnel si Casipit nang maganap ang misencounter. Wala namang naitalang casualty sa panig ng 87IB.
Samantala, nagpaabot naman ng pakikiramay ang Commander ng 8ID na si MGen Raul M. Farnacio sa pamilya ng mga nasawi at sinabing nakikipag-ugnayan na sila sa Armed Forces of the Philippines ukol sa nangyaring insidente.
“A joint, thorough and impartial investigation is being conducted even as we assure the public that your AFP and PNP is fully cooperating to shed light on the incident” pahayag ni Farnacio.
“The whole 8ID family extend our condolences to the bereaved families of those who died in the armed engagement. Rest assured that this unfortunate incident will not hamper the working relation of your Army and PNP in the region.” ayon pa kay Farnacio.