CABUYAO City, Laguna (Eagle News) — Sunod-sunod na naaresto ang pitong kalalakihan sa magkakahiwalay na buy-bust operations ng pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police (PNP) – Cabuyao City intelligence operatives at mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Kinilala ni Cabuyao City Chief Intel. Leopoldo Ferrer Jr. ang mga inaresto na sina:
- Joseph Clemente residente ng Brgy. Baclaran,
- Rolly Uganiza residente ng Brgy. Mamatid,
- Derwin Gabay,
- Jon-jon Lamazora at
- Roger Marcial na pawang mga residente ng Brgy. Niugan
- Rey Alampayan at
- Tristan Belen na kapwa naaresto sa Brgy. Pulo sa nasabing lungsod.
Si Clemente ay dati nang naaresto sa kaparehong kaso at mahigit dalawang buwan pa lamang nakalalaya subalit nagbalik pa rin sa ilegal na gawain.
Aminado naman sina Uganiza at Gabay na sila ay gumagamit ng ilegal na droga.
Itinanggi naman nina Lamaroza at Marcial na sila ay nagtutulak ng ilegal na droga.
Sina Alampayan na isang pahinante at si Belen na isang driver ay gumagamit umano ng ilegal na droga dahil sa trabaho nila sa trucking.
Ang mga suspek ay pawang nahulihan umano ng tig-isang sachet ng hinihinalang shabu sa halagang tig-tatlong daang piso ang isa.
Nakumpiska sa kanila sa kabuuan ang 14 sachet ng droga na nakakahalaga ng mahigit apat na libong piso.
Kasalukuyang nakakulong na sa Cabuyao City Police Station ang mga suspek at sasampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Norberto Delfino – Eagle News Correspondent)