700 traffic enforcers, idedeploy sa gagawin ng Iglesia Ni Cristo na “Lingap Laban Sa Kahirapan”

Ni Mar Gabriel
Eagle News Service

(Eagle News) — Eksakto 12:01 ng madaling araw sa Linggo, isasara na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa trapiko ang ilang pangunahing kalsada sa paligid ng Luneta Park para bigyang-daan ang isasagawang “Lingap Laban sa Kahirapan” o “Aid to Fight Poverty” ng Iglesia Ni Cristo na magsisimula ng ala sais ng umaga.

Kabilang na rito ang kahabaan ng Road 10 mula Moriones hangang Delpan Bridge.

Kahabaan ng Bonifacio Drive mula Delpan Bridge hangang Katigbak Drive.

Isasarado rin ang Roxas Bvld mula Katigbak Drive hangang P. Ocampo.

East at west bound ng P.Burgos mula Lagusnilad hangang Roxas Bvld.

Kahabaan ng Finance Road mula Taft Avenue hangang P. Burgos;

At ang west bound lane ng TM Kalaw at President Quirino mula MH Del Pilar hangang Roxas Bvld.

Pero Sabado pa lang ng ala sais ng gabi, mauuna nang isasara ang ilang kalsada sa paligid ng Manila Hotel at Luneta Park Hotel para sa gagawing preparasyon ng INC sa aktibidad.

Kasabay nito, naglabas din ang MMDA ng mga alternatibong ruta para sa mga motorista na di maiwasang magtungo sa lugar.

Sa mga magmumula sa southbound lane ng Road 10 patungong Bonifacio Drive ay maaaring kumaliwa patungong Moriones Street.

Sa mga magmumula naman sa Pasay na daraan sa Roxas Bvld, maaaring kumanan sa P. Ocampo o gamitin ang service toas ng Roxas Bvld.

Sa mga motorista naman na maggagaling sa Quezon, Mc Arthur at Jones Bridge maaaring dumeresto sa Taft Avenue patungo sa destinasyon.

Maaari ding dumaan sa Taft Avenue ang mga sasakyan na magmumula sa Ayala Bridge.

Sa mga mangagaling sa west bound lane ng President Quirino Avenue maaaring kumaliwa sa Mabini Street patungo sa destinasyon.

700 traffic enforcers, ipapakalat sa Iglesia Ni Cristo “Lingap Laban Sa Kahirapan”

Para maibsan ang matinding traffic sa lugar, magdedeploy ang MMDA ng 457 traffic enforcer para umalalay sa mga motorista.

Ang Manila Traffic Bureau naman ay magpapakalat din ng 200 enforcers para tumulong sa MMDA.
Magdedeploy rin ang MMDA ng mga emergency unit, ambulansya at mobile patrol unit.

Ang Philippine National Police naman ay magdedeploy rin ng mga pulis para magbigay ng securidad sa aktibidad ng INC.