CEBU CITY (Eagle News) — Isa na namang sunog ang naganap sa lungsod ng Cebu kaninang umaga, Enero 16.
Naganap ang sunog, sa Carlock Street, Barangay Duljo Fatima, katabi ng Barangay Pasil kung saan naganap ang malaking sunog dalawang araw na ang nakakaraan.
Ayon kay SFO1 Leo Pastrana, fire investigator sa Cebu City Fire Department natanggap nila ang alarma tungkol sa sunog bandang alas 8:19 ng umaga at idineklarang under control alas 8:43 ng umaga at umabot ito sa 3rd alarm.
Walong bahay ang natupok sa naturang sunog.
Base sa imbestigasyon ng mga bombero, nagsimula ang sunog sa isang abandoned house na pagmamay- ari ng nakilalang si Vidal Carillo.
Ayon sa mga kapitbahay, ginawang lalagyan ng kanyang mga manok ang bahay at walang taong nakatira.
Wala namang nasaktan o namatay sa naturang sunog.
Ito ang pangalawang sunog na naganap sa lungsod ng Cebu sa linggong ito.
Umabot naman sa 300 bahay o mahigit pitong daang pamilya ang nawalan ng bahay sa malaking sunog na naganap noong Linggo sa Barangay Pasil. Isinailalim na sa state of calamity ang naturang barangay.
(Eagle News Rowel Augusto)