PALAWAN (Eagle News) — Sinunog ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) ang walong heavy equipment na gagamitin sana sa pagsasaayos ng kalsada sa bayan ng San Vicente sa lalawigan ng Palawan.
Mariin ngayong kinukondena ng mga otoridad ang mga makakaliwang grupo matapos na sunugin ang walong heavy equipment ng Tagala Construction sa bayan ng San Vicente, Palawan.
Dahil dito, pansamantalang naantala ang proyekto sa pagsasaayos ng kalsada.
Sa ibinigay na datos ng pulisya ay dalawang dump truck at isang backhoe ang unang sinunog sa Barangay New Canipo sa naturang bayan, habang ang lima naman ay sinunog sa Sitio Umbo sa katabi rin nitong lugar.
Dagdag pa ng pulisya, base sa kanilang nakuhang impormasyon mula sa mga nagbabantay ng naturang sasakyan na si Ray Carlos Factor, malaki na raw ang atraso ng kumpanya sa kilusan kung kaya’t ibinaba na diumano ang maka-rebolusyonaryong hatol sa kumpanya.
Napag-alamang naniningil ang NPA ng “revolutionary tax” sa naturang kumpanya
Aabot sa mahigit P40-milyon piso ang halaga ng mga nasunog na heavy equipment. Wala namang naiulat na nasaktan sa insidente habang ang mga suspek ay mabilis ding umalis sakay ng isang bangka patungo sa bayan ng Taytay, Palawan. (Anne Ramos – Eagle News Correspondent)