SULTAN KUDARAT, Maguindanao (Eagle News) – Hinarang ng militar sa Maguindanao kamakailan ang siyam na umanoy mga miyembro ng pamilya Maute.
Kinilala ang mga ito na sina Alimatar Guro Maute, Apok Pili Maute, Mohamad Ali Maute, Saida Guro Maute, Amiladen Analo Maute, Mislanao Analo at Aisa Kalthum Sacaria.
Hinarang din ang dalawang menor de edad.
Ayon kay Maguindanao Police Provincial Director Senior Supt. Agustin Tello, naharang ang mga ito sa detachment ng 37th Infantry Battalion Philippine Army sa Brgy. Macaguiling, Sultan Kudarat.
Sinabi ni Criminal Investigation and Detection Group-Autonomous Region in Muslim Mindanao Regional Director Senior Supt. James Allan Logan na galing sila ng National Bureau of Investigation-Cotabato upang kumuha ng NBI clearance at pauwi na sana sa Marugong, Lanao del Sur nang harangin ng mga awtoridad.
Hiningan ng sundalo ng ID ang grupo, kung kaya’t agad nakita na pawang may apelyidong Maute ang lulan ng sasakyan.
Ang magkapatid na Abdullah Maute at Omar Maute ay sinasabing nasa likod ng pag-atake sa Marawi simula pa noong Mayo.
Naaresto na dahil sa terorismo ang kanilang ama na si Cayamora Maute at ina na si Farhana Maute.
Agad dinala ang siyam na katao sa tanggapan ng Criminal Investigation and Detection Group-Autonomous Region in Muslim Mindanao sa Cotabato City.
Nilinaw naman ni Mohamad Ali Maute na hindi sila miyembro ng Maute Terror Group.
Giit nito, hindi lahat ng pamilya Maute ay mga terorista.
Katunayan aniya ay may nakuha silang NBI clearance.